Naniniwala ang Asian Development Bank (ADB) na ang isang network ng mga linya ng kuryenteng tumatawid sa mga hangganan ng bansa – sa halip na mga hiwa-hiwalay na pambansang grid – ang titiyak sa kinabukasan ng enerhiya sa Asya.
Bilang pagtatapos sa mga dekada ng watak-watak na kasunduan, inilunsad ni ADB President Masato Kanda ang Pan-Asia Power Grid Initiative (PAGI). Layunin nitong makalikom ng US$50 bilyon hanggang 2035 upang pagdugtung-dugtungin ang mga grid at palawakin ang kalakalan ng malinis na enerhiya sa buong rehiyon.
Dinisenyo ang PAGI upang pag-ugnayin ang mga kasalukuyang grupo – mula sa Asean Power Grid (APG) at mga proyekto sa konektibidad sa South Asia hanggang sa Caspian green energy corridor – at gawin itong pundasyon ng isang malawak na pamilihan ng kuryente sa buong kontinente sa paglipas ng panahon.
“Ang [PAGI] ang aming tugon sa isang watak-watak na mundo. Inililipat nito ang Asya at Pasipiko mula sa maliliit at bilateral na mga proyekto patungo sa isang koordinado at multilateral na kalakalan ng kuryente sa buong rehiyon,” pahayag ni Kanda sa kanyang pambungad na mensahe sa Asia Clean Energy Forum noong ika-9 ng Hunyo.
“Ang isang magkakaugnay na sistemang panrehiyon ay nagsisilbing sama-samang pananggalang. Hinahayaan nito na ang sobrang malinis na enerhiyang nalilikha sa isang bansa ay maayos na makapuno sa kakulangan ng isa pang bansa.”
Hindi kakayanin ng mga pambansang sistema na tumugon nang mag-isa sa gitna ng mabilis na pagtaas ng pangangailangan dulot ng malawakang elektripikasyon, mga AI data center, at mga biglaang pagtaas ng konsumo dahil sa matinding init, dagdag pa niya.
Nilalayon ng inisyatibong ito ang 22,000 circuit-kilometer ng transmission na tumatawid sa mga hangganan ng bansa at ang maayos na integrasyon ng 20 gigawatt (GW) ng variable renewable energy; ayon sa ADB, maaari nitong bawasan nang 15 porsiyento ang emisyon sa sektor ng enerhiya sa rehiyon at lumikha ng 840,000 trabaho.
Humigit-kumulang kalahati ng US$50 bilyon ang magmumula sa pondo ng ADB, habang ang natitirang bahagi ay kukunin mula sa kapital ng pribadong sektor at mga kasosyo.
Samantala, binigyang-diin ni Keiju Mitsuhashi, direktor ng enerhiya sa ADB, na ang PAGI ay idinisenyo upang maging “APG plus plus” – hindi lamang karagdagang patong ng mga interconnector sa ibabaw ng APG.
Matagal nang isinusulong ng grupo ang integrasyon ng power grid sa loob ng halos tatlong dekada, ngunit naging hindi pantay ang pag-usad nito dahil sa mga teknikal at pinansyal na hadlang. Nauna nang nangako ang ADB ng paunang pondo na nagkakahalaga ng US$25 milyon upang isulong ang matagal nang naantalang plano sa integrasyon.
“Batay sa kaalaman, karanasan, at network na binuo namin kasama ang iba’t ibang pangunahing katuwang sa rehiyon, napagtanto naming mas malaki ang benepisyo kung lalampas tayo sa sub-rehiyon at magtutuon sa koneksyon sa pagitan ng mga rehiyon,” pahayag ni Mitsuhashi sa isang briefing sa sidelines ng ACEF noong ika-10 ng Hunyo. “Ginagawa ito sa konteksto ng seguridad sa enerhiya sa rehiyon – lalo na ngayong taon na naapektuhan tayo ng hidwaan sa Middle East – pati na rin upang palakasin ang katatagan ng ekonomiya sa rehiyon.”
Ang unang “dagdag” sa ilalim ng PAGI ay tumutukoy sa pagpapalakas ng mga domestic grid at pagpapalawak ng imbakan upang makasipsip sila ng mas maraming pabagu-bagong renewable energy, habang ang pangalawa ay ang pagpapalawak ng mga koneksyon sa grid mismo, dahil ang mga bansa ay hindi maaaring makipagkalakalan ng kuryente na hindi nila nalilikha, dagdag niya.
Nagtalo si Mitsuhashi na kapag alam ng mga tagaplano na maaari nilang gamitin ang mga kapitbahay sa pamamagitan ng matatag na mga sub-regional na link, magbabago ang kanilang buong disenyo ng sistema, na magbibigay-daan sa isang mas na-optimize, ligtas at nababanat na sistema ng enerhiya.
Ang hamon ngayon, aniya, ay itigil ang pagtingin sa mga proyektong domestiko nang nakahiwalay at simulang ituring ang mga ito bilang mga bloke ng pagbuo ng isang mas malawak at magkakaugnay na pan-Asian grid.
Isang rehiyonal na bisyon na nakasama sa mga fossil fuel
Binabalaan ng mga sibil na lipunang grupo na hindi magkatugma ang malaking rehiyonal na bisyon ng ADB sa patuloy nitong suporta sa mga fossil fuel.
Habang pinapasan pa rin ng mga komunidad sa Asya ang tumataas na gastos sa enerhiya, pampublikong utang, at epekto ng klima, nananatiling “heavily driven by corporate interests rather than public need” o pangunahing pinapatakbo ng mga interes ng korporasyon kaysa pangangailangan ng publiko ang malalaking proyektong pang-enerhiya, ayon sa NGO Forum on ADB, isang rehiyonal na network na nangangampanya para sa accountability sa ADB, sa isang pinagsamang pahayag.
“Patuloy na sinisira ng ADB ang makatarungang paglipat sa enerhiya sa Asya sa pamamagitan ng pagpapanatili ng mga daan para sa lalong paglawak ng oil at gas, pagpapanatili ng mga butas sa patakaran tungkol sa coal, at pagtataguyod ng mga huwad na solusyon sa enerhiya,” ani Lidy Nacpil, coordinator ng Asian Peoples’ Movement on Debt and Development (APMDD), kaalyadong grupo ng NGO Forum ADB.
Dapat pinapatakbo ang paglipat ng mga renewable energy na pinondohan ng publiko at pinangungunahan ng komunidad, hindi ng “costly and polluting energy systems that delay the shift to clean, renewable energy” o mga mamahalin at nagdudulot ng polusyon na sistema ng enerhiyang nagpapabagal sa paglipat sa malinis at renewable na enerhiya, dagdag niya.
Ayon sa NGO Forum on ADB, ang tunay na makatarungang paglipat ay nangangailangan ng pagwawakas sa paggamit ng fossil fuel. Dapat ding sumailalim sa masusing due diligence at mas malalakas na safeguards ang anumang pamumuhunan sa grid at transmission, lalo na sa mga transboundary na proyekto, upang matiyak na hindi ito direktang o di-direktang konektado sa paglawak ng fossil fuel.
“Kung hindi natin babaguhin ang saligang fuel mix, kahit baguhin natin ang mga grid, patuloy pa rin nating pinapalaganap ang parehong problema – ngayon sa mas malaking saklaw sa pagitan ng mga bansa,” ani Naz Del Pilar, just transition officer ng NGO Forum ADB.
Itinuro rin ng mga tagapagtaguyod ang pinakabagong draft energy policy ng ADB, inilabas noong Nobyembre 2025, na walang nakapaloob na sunset clause para sa gas bilang transition fuel. Ito, ani nila, ay patunay na hindi pa ganap na nasasalamin sa mga plano ng bangko ang mga alalahanin ng sibil na lipunan tungkol sa pag-phase out ng fossil fuel at konsultasyon.

